Sino Ang Dapat Magbayad Sa Date

Naalala ko ang tanong sa akin dati ng prof ko. Magkano daw ang nagagastos ko sa tuwing lumalabas kami ng girlfriend ko. Medyo nagulat siya na hindi lumalagpas ng 700 pesos ang gastos ko on a typical movie date. Minsan nga ay hindi umaabot ng 200 pesos kung hindi naman kami pupunta ng mall.

Para sa akin naman ay kung first date, normal na nago-offer ang lalaki na bayaran ang lahat. Pero normal na din na nago-offer ang babae na i-split ang bill.

Ang hindi ko lang siguro maintindihan ay kung bakit ito kabawasan sa ego ng ilang kalalakihan. Nao-offend daw kasi ang ilan sa tuwing nago-offer ang babae na i-split ang bill.

So sino ba dapat ang magbayad sa date?

Dating Stage

Noong bago pa lang kami ng girlfriend ko, nagpupumilit din naman akong angkinin ang bayad. Ayun din kasi ang pagkakaalam ko, dapat laging lalaki ang magbabayad.

Kaso makulit ang girlfriend ko, hindi nagpapatalo. Magiging bukambibig niya iyon kahit kumakain na. Kapag hindi ako nakatingin ay isusuksok niya sa bag ko o sa bulsa ko ang share niya. Kaya lagi akong alerto dati, gusto ko kasi ako ang magbayad, gets ko naman na may pakiramdam kasi ito na kaya mong mag-provide para sa kaniya, para sa babae.

Nung tinanong ko siya kung bakit ayaw niyang nagpapalibre sa akin, ito ang sagot niya. Wala pa naman daw kasi akong trabaho. Bakit daw ba na dapat ako ang laging magbabayad. Ang pera ko naman daw ay galing sa magulang ko. Hindi naman daw niya ako dini-date para magpalibre. At kaya niya namang bayaran ang sarili niyang gastos.

Doon ako napaisip, tama siya, hindi nga naman nagmi-make sense na ako ang magbayad kung hindi pa naman ako kumikita. Kung galing lang naman sa magulang ko ang perang dala-dala ko. Pareho lang naman kaming young, dumb, broke, high school kid by Khalid.

Simula nun, hanggang ngayon, lagi na kaming hati sa lahat. Kung siya ang nagbayad ng sine, ako naman ang magbabayad sa pagkain. Kung minsan libre ko ang lahat, sa susunod ay libre naman niya. Depende sa okasyon o kung ano mang celebration. Salit-salit lang.

Sino ba ang dapat na magbayad?

Through the years by Kenny Rogers, ito ang mga natutunan ko sa girlfriend ko.

Ayos lang naman kung ikaw na lalaki ang magbabayad, wala ding masama kung mag-offer ang ka-date mo na mag-share. Mas madalas na nga ito ngayon. Puwede mong tanggihan, puwede mong tanggapin. Hindi rin naman iyon usapin ng ego. Huwag masyadong fragile, hindi ito tungkol sa ‘yo.

Independent ang babae. Hindi sila financial baggage na kailangan mong ilibre all the time. Hindi nila tayo kailangan para bayaran ang kinain nila. May dating kasi ito na kinukulong sa traditional gender roles ang lahat. Dapat ganto ka, dapat ganyan siya. Laging may dapat. Hindi nalang lalaki ang nagtatrabaho at kumikita ng pera ngayon.

Hindi ba’t pagpaparamdam din ito na interesado sila sa iyo, at hindi sa kung anong laman ng bulsa mo. Na-appreciate naman nilang gusto mong bayaran ang lahat. Appreciate mo rin na gusto nilang bayaran ang share nila. Hindi naman iyon nakaka-offend. Gusto nilang bayaran ang kinain nila dahil kaya nila.

Minsan kinokonekta pa ang usaping ito na paano daw bubuhayin ng isang lalaki ang isang pamilya kung simpleng pagbabayad sa mga date ay hindi niya kayang magawa.

Ang una ko lang naisip, hindi ba’t hindi lang naman ang lalaki ang bumubuhay sa isang pamilya. Kung plano niyong bumuo ng pamilya sa future, hindi ba’t paghahatian niyo din naman ang lahat ng gastos. Lahat ng hirap. 2020 na, malapit nang magunaw ang mundo, luma na ang paniniwalang lalaki ang magtatrabaho at babae ang maiiwan sa bahay.

Marahil totoo na kailangan ng pera para makabuo ng pamilya, pero hindi totoong pera lang ang basehan para masabing may kakayahan ang isang lalaking bumuo ng pamilya. Maraming may pera nga, wala namang bayag para maging karapat-dapat na maging Padre de Pamilya.

7 Years Later

7 years na kami ngayon ng girlfriend ko. Napagtanto kong ang relasyong nabuo namin ay hindi nakatungtong sa pera. Matapos kasi naming mapagdesisyunan na paghatian ang lahat, kahit minsan ay hindi na namin iyon pinag-awayan.

May mga alis din kami na hindi kailangang gastusan. Hindi ba’t ang mga lakad na ganoon ang mas totoo, mas masaya. Mga lakad na hindi nabibili ng pera.

[WATCH: Ilang Sandali Bago Magsakuna]

Pareho naming alam ang pakiramdam nang wala, pareho naming tinutulungan ang isa’t-isa kung sino mang meron.

Siya pa rin ang 14 year old girl na hindi nagpapakulong sa kung anong tradisyon na ang nakasanayan, she knows her worth. Siguro ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ko alam na keeper siya. Marami siyang naituro sa akin na hindi ko naman matututunan kung hindi dahil sa kaniya, gaya ng usapin na ito.

Hindi man ngayon ang oras na fully deserve ko nang ilibre siya, sigurado naman akong darating din iyon. Hindi na tipid-tipid. Hindi na galing sa allowance lang.

Tapos bukas libre niya naman, dahil kaya niya. At hindi naman sukatan ang pagiging babae o lalaki kung sino bang dapat gumastos o magbayad. Ganoon din sa iba pang usapin. Aheks!

————————————————————————————————————

Like and follow our Facebook page! Kid in Manila

Read more:

Leave a Reply