Para sa Nalilitong Fresh Grad sa Panahon ng Pandemic

Fresh grad ka. Mabigat ang dibdib mo pero hindi mo masyado alam ang dahilan. Siguro ay pagod ka na kakahanap ng trabaho. Nalilito ka na rin kung ano bang dapat mong gawin.

Maaring sinukuan mo na ngang makapasok sa industriyang gusto mong pasukan, paano ka nga naman tatanggapin kung kamakailan lang ay nabasa mong nagtatanggalan ng mga employee sa gusto mong kumpanya.

Pwedeng meron ka na sanang trabaho nung February, kukunin ka na sana kaso nag-lockdown at nakatanggap ka ng tawag na hindi na pala, kasi nga magtatanggalan na sila, o di kaya’y magsasara. Mas masakit pa nga ang muntikan kaysa sa wala talaga.

Para kang pumasok sa mundong hindi ka naman ready. Wala ka naman kasing subject na inaral tungkol sa kung paano makaka-survive ang isang fresh grad sa panahon ng pandemic. Ang dami mo nang inapplyan, ang dami mo nang pinasahan, pero bilang ang nagbigay ng chance sayo, at karamihan hindi ka pinapansin.

Pinagdududahan mo na ang sarili. Sa isip mo, hindi ka lang siguro talaga katanggap-tanggap. Baka nga ay mahusay ka lang mag-aral, baka naiisipan mo naring mag-aral nalang forever kasi dun nakaka-survive ka pa. Ngayon, parang hindi na.

Graduate ka pa rin

Napagdaanan mo ang lahat kahit pa hindi ka makaakyat ng stage. May mga gabi ring magdamag kang gising, mga araw na pumapasok ng puyat, at na-unfriend mo na rin ang mga thesis mate na hindi nagsi-seen sa group chat. Hindi ka man makaka-martsa dahil sa pandemic, graduate ka pa rin.

Deserve mo pa ring magsaya gaya ng mga naunang grumaduate. Dumaan ka rin sa hirap.

Huwag mo sanang isisi sa sarili ang lahat.

Ang pinagdadaanan mo nga ngayon ay hindi tulad ng napagdaanan ng mga nauna. Mas pinalalang unemployment pa nga ang nag-aantay sayo. Mas lalong kaunti ang opportunities. Mas lalong hirap humanap ng trabaho. Mas malaking uncertainties at anxieties ang kaharap mo ngayon. At hindi mo iyon kasalanan.

Hindi mo naman kasi Kontrolado ang Lahat

Hindi mo kasalanan na unti-unting nagkakatotoo ang 2012 movie na pinanuod mo nung elementary.

Ano nga namang magagawa mo kung ang industriyang inaral mo ay hindi tumatanggap at hirap na hirap rin mag-survive ngayon. Sana ay magkaroon ka ng mahabang pasensya. Bigyan mo ng oras ang sarili para matupad ang mga pangarap mo. May mga bagay lang talagang dumarating na wala sa plano, hindi mo hawak ang mundo.

Hindi ka Nag-iisa

Kung hindi ka man Fresh Grad, baka isa ka sa mga employee na matagal nang nagpaplanong mag-resign pero hindi mo na tinuloy dahil walang kasiguraduhang makakahanap ka ulit ng trabaho.

Puwedeng isa ka sa mga nawalan ng trabaho, no choice at kailangan kang alisin dahil hindi na afford ng kumpanya mo na swelduhan ang lahat.

Puwede rin na dapat Fresh Grad ka na. Pero dumating ‘tong sakuna. Nadagdagan na nga ng dalawang taon ang pag-aaral mo dahil sa K-12, natigil pa. Hindi ka pa din sigurado kung mage-enroll ka ba next semester dahil online class at nahihirapan kang matuto sa ganung set-up.

O kaya ay internship mo na, ilang hours nalang tapos na. Konting-konti nalang graduate na kaso natigil pa. Mauurong na naman ng ilang buwan o taon bago ka maka-graduate at makapag-trabaho. Okay lang din yan.

Marami pang Oras

Hindi mo man makuha sa ngayon ang dream job mo, at laging parang tumatagal. Tandaan na marami pang oras. Kahit pa sa 30’s, 40’s, o 50’s mo iyon makuha, normal ‘yun.  Kahit pa maurong ng ilang taon bago mo makuha ang gusto, ayos lang ‘yun. Ang mahalaga ay nagsu-survive ka ngayon.

Sino ba kasi ang nagpakalat na dapat may timeline ang buhay? Na dapat sa ganitong edad ay may dapat nang maabot.

Kung meron mang mga taong nakabase sa trabaho, posisyon, at sweldo ang pagtrato nila sa isang tao. Sana’y laging lugaw ang kalabasan ng sinaing nila.  Hindi naman ang estado ng isang tao sa buhay ang magdidikta kung dapat ba nitong makatanggap ng respeto.

Kung isa ka sa mga pumasok ngayon sa industriyang malayo sa tinapos mo. Ayos lang din ‘yun, kailangan mong kumita. Hindi naman doon nasusukat ang worth mo. Hindi naman dapat ikahiya kung anong pinagkakakitaan mo sa panahon ng Pandemya, as long as marangal ito.

Darating din Ang Umaga

Mahirap man ang lahat ng pinagdadaanan ngayon, nakakakalmang malaman na hindi tayo nag-iisa sa ganitong pakiramdam. Shared experiences ito pero sana patuloy ka pa rin na maging boses para sa iba. Hindi ibig sabihin na hindi direktang nakaka-apekto sa iyo ang isang bagay ay hindi ka na puwedeng magsalita tungkol dito.

Kapag lipas ng maraming taon, babalikan mo ito at maalala mo kung paano natin lahat ito nalagpasan, kung paano ka naging tulong para sa ibang mas nahihirapan. Sa tuwing ina-acknowledge mo kasi ang sariling pribilehiyo, mas makakatulong ka para magkaroon ng equality at mas fair na sistema sa mundo. Lalo ngayong pandemic.

Wala naman talaga ako sa posisyon para sabihin sayo na magiging ayos ang lahat, dahil hindi ko rin naman talaga alam ang mangyayari sa akin sa mga susunod na taon, hindi ko pa rin naman talaga nakukuha ang lahat ng gusto. Meron na nga bang taong nakuha ang lahat ng gusto?

Pero naniniwala pa rin akong hindi ito permanente, at sasabihin ko pa rin na magiging ayos ang lahat. Fresh Grad ka, hindi mo pa kailangang malaman ang lahat ng dapat na mangyari sayo. Darating din ang umaga na hindi ka na gigising nang may bigat sa dibdib.

————————————————————————————————————

Like and follow our Facebook page! Kid in Manila

Leave a Reply