Paano Umpisahan Ang Isang Bagay Kahit Walang Motivation

Mahirap naman talagang umpisahan ang isang bahay lalo kung walang motivation. Pero kailan ko lang talaga na-realize na hindi naman talaga kailangang ng motivation para gawin ang mga dapat nating gawin. Tulad nito, tinatamad naman talaga ako isulat to ‘e.

Nitong mga nakaraang araw nga nakasanayan na natin na gumising nang walang motivation. Kaya natatambak ng ilang araw ang gawain, wala tayong natatapos.

Lahat ay nasa isip lang, plano lang. Kasi hindi naman tayo nag-uumpisa.

Mas madali kasing piliing gawin ‘yung mga bagay na nagbibigay agad ng rewards o pleasure. O yung mga activities na naglalabas ng mas maraming dopamine. Gaya ng social media, panunuod sa Netflix o Youtube, pagkain, hindi ko lang sure kung kasama ang pag-tunganga. Hindi ko alam kung ako lang pero may sayang dulot ang pag-tunganga.

Mas pinipili natin ang mga gawaing ito dahil sa mas madali ito kaysa mag-aral, gumawa ng report, magpasa ng resume, magsulat, mag-research, mag-trabaho. Mga bagay na madaling gawin kahit walang motivation.

Kahit nga ‘yung ibang mga madadaling bagay nalang ay mahirap paring umpisahan dahil konektado pa rin sa trabaho. Kahit pa alam natin na ang mga gawaing ito ay may long term reward sa future.

Gusto kasi natin ang mabilisang reward. Tulad ng pag-share ng meme sa Fb, may reward agad na laughing react.

Gaya ng sinabi ko kanina, useless ang maghintay ng motivation para maumpisahan ang isang bagay. Hindi naman ako masipag, kaya nga heto’t may cheat sheet ako kapag ganitong walang motivation na dumadalaw at hirap na naman akong umpisahan ang dapat kong gawin.

Umupo Agad sa Harap ng Computer

Hinaharap ko na agad. Imbes na naghihintay ako na dumating ang motivation para gawin ang isang bagay, itinatapon ko na agad ang sarili ko sa harap ng dapat kong gawin. Isang pindot lang naman talaga para mabuksan ang Ms Word file, Excel file, o Powerpoint pero ang hirap-hirap nitong pindutin. Alam na kasi nating pahihirapan na naman natin ang sarili, mag-iisip na naman tayo, mapapagod na naman, sasakit na naman ang ulo.

Hindi ko sinasabing sa computer lang, pero madalas kasi nasa computer ang mga gawaing takot tayong harapin. Andoon kasi ang trabaho. Puwede rin namang sa harap ng study table. Sa harap ng labada. Sa harap ng makakapal na libro. Tambak na hugasin. O kahit pag-seen sa chat ng katrabaho. O iba pang responsibilidad na dapat nating matapos.

Mas mahirap kasing umpisahan ang isang gawain kaysa ang patuloy itong gawin. Kapag naumpisahan mo na, mas madali na itong ituloy-tuloy.

Mag-isip ng Reward para sa Sarili

Mas okay din na gawing reward sa sarili ang mga madadaling bagay. Iyong mga nagbibigay ng pleasure sa atin agad-agad.

Pinipilit ko munang gawin at tapusin ang mahihirap na bagay pero kinokondisyon ko na pagkatapos ay manunuod ako ng TV series, o ng ASMR massage vids, o kakain ng masarap, o manunuod ng karpinterong nag-papalitada sa youtube, o ang tumunganga. Hindi ko ulit sure kung puwedeng i-reward sa sarili ang pag-tunganga.

May kaniya-kaniya naman tayong reward sa sarili. Basta kahit na anong mga bagay na nagpapasaya sa atin.

Tanggapin mo nang Walang Madali

Tinanggap ko nang mahirap talaga umpisahan ang lahat. Lalo kung konektado sa pangarap natin sa buhay. Maaring pinangungunahan tayo ng takot, ng mga baka, ayan tuloy wala tayong nauumpisahan. Parang mas wala tuloy nangyayari.

Ang lagi ko kasing iniisip, gusto kong pagdaanan ‘yung mga napagdaanan ng mga nauna sakin. Kung nahirapan sila o napagod para makarating dun, gusto ko din. Kung may mga gabing hindi sila makatulog, sana ay may mga gabi din na hindi ako makatulog.

Iba man kami ng oras o daang dadaanan, laging kong iniisip na sana mapagdaanan ko din ung mga ganong pagkakataon na nagpatatag sa kanila. Ayaw kong daanan ‘yung madali. Ayaw ko na pala nung mabilis. Naniwala kasi tayong mas madali kung dadaan tayo sa shortcut, hindi pala. Hindi ka naman pala talaga makakalamang kung dadaan ka sa mas mabilis. May mga aral kasing hindi mo nadaanan, mga “aha” na nalagpasan. Makakarating ka sa pupuntahan pero hindi ka na makakaangat pa. Maii-stuck ka na.  

Kung may mga sugat silang natanggap bago man makarating dun, gusto ko ring masugatan. Gusto kong malaman kung paano nila ginamit ang mga sugat na ‘yun. Hindi ba’t normal naman na masugatan tayo ng paulit-ulit?

Banggitin mo Lagi

Gumagana din ‘yung Law of Attraction. Banggitin mo nang banggitin ‘yung dapat mong gawin, o plano mong gawin. Hindi kailangang sa ibang tao, kahit sa sarili mo lang. Saka hindi mo naman kailangang ipaalam sa lahat ang gagawin mo.

Hindi mo namamalayan na lahat ng ginagawa mo papunta na para ma-achieve yun. Kailangan mo na kasing pangatawanan kasi binabanggit mo na.

Hindi mo mapapansin na lahat ng ginagawa mo araw-araw ay connected sa gusto mong mangyari sa future, hindi mo man sadya. Kaya basa ako ng basa, nuod ako ng nuod, sulat ako ng sulat, hindi ko man talaga nakikita na humuhusay ako bawat araw, kahit papaano alam kong may nadadagdag. Hindi ko man matukoy.

Umpisahan mo na

Kaya sige na, umupo ka na sa harap ng computer. Sulat mo na ‘yung  naisip mong konsepto ng pelikula, basahin mo na ‘yung libro sa subject na hirap na hirap ka. Ipasa mo na yung resume mo sa trabahong takot kang pasahan kasi feeling mo hindi ka naman tatanggapin, o feeling mo underqualified ka. Planuhin mo na ‘yung business idea na naisip mo. Kontakin mo na ‘yung seller na pagtatanungan mo. Kung gusto mong gumawa ng youtube channel o blogging website gawin mo na, basta masaya ka.

Huwag nang puro amba. Normal ang mga araw na walang motivation. Normal din ang matakot sa rejections. Biglain mo nang gawin, magugulat ka nalang, kapag andun ka na at naumpisahan na, wala ka nang ibang gagawin kung hindi ang magpatuloy. Mahirap kasi asahan ang motivation. Wala rin mangyayari kung hahayaan natin ang takot. Maraming gawain, plano, pangarap, at responsibilidad ang hindi mauumpisahan.

O sige na nga, bye gagawa na ako.

————————————————————————————————————

Like and follow our Facebook page! Kid in Manila

This Post Has 2 Comments

  1. Anne

    This is so inspiring..sobrang nakakatuwa 😍 💗

Leave a Reply