May Mga Pangarap Talaga Na Hindi Matutupad

Rich results in Google SERP's when searching for "pangarap na hindi natupad"
Artwork by Cdd20

Gaano man karami na ang nagsabi na matutupad mo din ang mga pangarap, sipag lang at tyaga. Gaano ko man gustong paniwalaan na maaabot din talaga, dahil meron namang mga pangarap na nadadaan naman talaga sa sipag at tyaga.

Ang katotohan ay meron at meron pa ring mga pangarap na hindi talaga matutupad.

Minsan kasi pahamak din ang magkaroon ng pangarap. Lalo kung ang pangarap mo ay yung mahirap pang matupad. Madalas tinatanong mo ang sarili kung bakit ba iyon ang naging gusto mo, ang unfair naman, sana ang naging gusto mo nalang yung mas madali makuha. Maging potato kaya, parang mas madali iyon?

Dadating at dadating ka talaga sa puntong susukuan mo na ang pangarap, o ano mang gusto.

Kailan Ba Dapat Sukuan Ang Pangarap?

Aba, hindi ko rin alam. Ang hirap naman kasi malaman kung para sayo ba ang isang bagay. Kapag ba hindi ka natanggap sa interview ng ilang ulit, o kapag hindi mo talaga maabot ang mga hinihinging requirements, o kapag hindi na talaga nadadaan sa kung ano mang bagay ang lahat at masyado nang marami ang isinakripisyo mo. Sign na ba iyon, hindi ba’t wala namang pangarap na madaling makuha. Paano kung test lang pala iyon pero sinukuan mo na, ang hirap naman.

Halimbawa ay gusto mong maging Flight Attendant pero malabo ang mata mo, kulang ka sa height, o kung ano pa mang physical appearance na kasama mo naman na nung pinanganak ka. Nadadaan ba ‘yon sa sipag at tyaga? Kung nadadaan man sa pera ay wala ka namang pera. Ganoon din kung gusto mong maging bastketball player o ano pa mang pangarap na gusto mo pero malabo nang matupad, kahit yung mga gustuhing hindi engrande. Kind of sucks na pinanganak tayong hindi pantay-pantay. At hindi laging nadadaan sa sipag at tyaga ang lahat.

Mahirap na may gustuhin kasi laging walang kasiguraduhan na makukuha mo iyon.

Ipagluksa mo

Sa kabila ng lahat. You are perfectly entitled sa lahat ng mararamdaman mo. Applicable din ang 5 stages of grief para sa mga pangarap na hindi natupad. Marami na rin akong mga pangarap na hindi nangyari. Nakakadurog ng pagkatao, nakakawala ng kumpyansa sa sarili.

Bakit naman kasi hindi? Marami ka nang sinakripisyo para dun, maraming mga araw na iyon lang ang laman ng isipan mo. Normal lang na masaktan ka, maiyak. Madalas na sisisihin mo na naman ang sarili, bakit ba kasi iyon ang ginusto mo. Hindi mo naman sadya pero yung napili mo pang pangarap yun pang mahirap talagang maabot sa katayuan mo.

Ang mahalaga siguro ay maging open ka sa totoong nararamdaman. Hindi mo iyon kailangang itago o ikahiya. Huwag gumawa ng mga bagay para lang mapagtakpan ang nararamdaman. May mga pangarap talagang hindi natutupad.

At pwedeng-pwede mo ‘yun ipagluksa. Press F.  

Never let go of the present

Kung minsan kaka-focus natin sa gusto nating maabot, nalilimutan nating tumingin sa kasalukuyan. Hindi natin naa-appreciate kung anong meron tayo sa ngayon.

‘Yung mga gusto kasi natin sa buhay parang kabute. Laging nasulpot nalang bigla. One after the other, parang hindi natatapos. Gano’n yung pakiramdam kapag nagtitingin ka sa Shopee at Lazada. Lagi kang may gusto.

Natatandaan mo pa ba ‘yung sinabi mo sa sarili dati. Pumasa ka lang sa subject na to masaya ka na, maka-graduate ka lang ayos ka na, matanggap ka lang sa trabaho na ‘to, wala ka nang hihilingin pang iba. Pero laging nasusundan.

Naniniwala kasi tayo na kapag naabot na natin ang isang gusto, magiging masaya na tayo. Pero hindi ‘yun totoo, lagi at lagi tayong makakahanap ng dahilan para hindi maging masaya. Laging makakahanap para hindi maging kuntento.

Kaya minsan mas okay na mangarap nalang maging masaya. Mahirap man maabot, atlis mas may kasiguraduhan na magiging masaya ka talaga.

Sana ay hindi natin malimitahan sa iisang pangarap ang pagiging masaya. Kasi mas lalong mahirap kapag naabot mo na ang isang pangarap, pero hindi ka pa rin masaya. Hindi ba’t parang dead end na rin iyon?

Huwag Kang Titigil

Sa kabila ng mga pangarap na hindi natupad, sana ay hindi ka pa rin tumitigil na mangarap. May mga pangarap kasing hindi natutupad sa ngayon, na pwedeng matupad sa hinaharap. May mga pangarap ka rin na hindi pa lumilitaw, hindi pa natatagpuan. At ang mga yan ay hindi mo malalaman kung ngayon palang ay tumigil ka nang mangarap.

Lahat ng di-pagkabuo mo sa kasalukuyan ay magiging bahagi ng pagkabuo mo sa hinaharap.

Kung pakiramdam mo ay nasayang lang ang lahat ng sakripisyo, hindi ‘yun totoo. Lahat ng sugat, lahat ng pagkabigo, at lahat ng mga natanggap na rejections ay magiging parte ng pagkatao mo in the future. Lahat ng iyon ay madadala mo, dahil lahat iyon ay nagkaroon ng epekto sa loob mo. May ambag iyon sa improvement mo bilang tao. Maliit man o malaki. Napansin mo man o hindi.

Gaya ng sabi ko kanina, nakakabulag ang mangarap. Kakatingin natin sa malayo, nalilimutan nating tumingin sa mga bagay na mas mahalaga sa kasalukuyan. I-acknowledge mo ang pagkalungkot sa mga hindi natupad, pero huwag na huwag mong aalisin ang tingin sa reyalidad. Kakatingin at kakaluksa mo sa hindi mo maabot, hindi mo na tuloy makita ang nasa harap mo.

Kung hindi man para sa iyo ang isang bagay, laging maniwala na may dadating na masasabi mong iyo rin. At naniniwala ako na kung ano mang meron ka ngayon, lagi mo ‘yun magagawan nang paraan para maging iyo.

Maliit na parte lang ng pagkatao mo ang mga pangarap mong hindi natupad. Kung pakiramdam mo ay kulang ka, tandaan na hindi kakulangan ang pagiging kulang, despite you not getting your dreams.

————————————————————————————————————

Read more:

This Post Has 2 Comments

  1. Robin

    Bakit ka nagpapaiyak!! Haha 😭😂❤

  2. Ayana

    Well said. All things happen for a reason. Rejection, memos telling u r not qualified for this and etc. is just the beginning. Let’s set our career as a priorities first other than anything else.

Leave a Reply