Kung bakit korni ang Pag-ibig

Korni ang "Pag-ibig"
Artwork by Cdd20

Ang totoo ay nakokornihan ako sa usapin ng pag-ibig. Pero napagtanto ko na ang mundo ay umiikot lang naman sa pag-ibig. Ito ang halos pinagmumulan ng hate, fear, sadness, happiness at iba pa.

Ang kadalasang dahilan kung bakit mo patuloy na ginagawa ang isang bagay ay dahil mahal mo itong gawin. May hindi ka maitapong gamit dahil mahal mo ang nagbigay nito, may kadikit na alaala. Hate mo ang Ex mo dahil minahal mo siya. Nagkakaroon tayo ng paki sa isang bagay o isang tao dahil may kadikit itong pag-ibig.

Pakiramdam ko, kaya natin tinatawag na korni ang pag-ibig dahil habang tumatanda, naglalagay rin tayo ng harang sa sarili. Nagsusuot tayo ng maskara sa paraang gusto nating makita o makilala. Ayaw nating nababasa tayo ng iba, gusto natin makita tayong invulnerable.

Ang totoo, tinatawag nating korni ang pag-ibig dahil ginagawa tayo nitong vulnerable. Korni dahil napapalambot nito ang mapagpanggap na anyo natin. Nakokornihan tayo kapag may mga bagay tayong ginagawa na hindi natin alam na kaya pala nating gawin. Kapag umiibig tayo, mas madaling makita ng iba ang nasa loob natin, kulang-kulang at puno ng sugat. At para bang ang hina-hina natin kapag expose sa mundo ang pagka-vulnerable natin.

“And love isn’t something that weak people do. Being a romantic takes a hell of a lot of hope.” – Fleabag

Kaya hindi madali ang umibig, ini-expose nito ang lahat ng kulang sa atin, lahat ng takot, lahat ng galit sa sarili.

Ang kaso, kahit gaano man natin iwasan, nagmamahal pa rin tayo. Hindi dahil gusto natin, hindi dahil uso, hindi rin dahil para masabi lang na nagmamahal tayo. Nagmamahal tayo dahil ipinanganak naman na tayong marunong magmahal. Pilit kinakalimutan kung minsan dahil sa mga bacteria ng mundo, pero di kalaunan ay natututunan ulit.  

At dadating ang araw, na makikilala natin ang taong tatanggap sa pagiging vulnerable natin—ang totoong tayo—nang hindi ipinaparamdam na kabawasan ito sa atin. Bagkus mas ipaparamdam niyang ayos lang ito.

Korni ang Pag-ibig
Maligayang kaarawan. Ikaw ang nagpapagaan sa mabigat na araw. Ang nagpapakalma sa maalong gabi.

Dahil hindi naman tayo umiibig para humanap ng bubuo sa atin, umiibig tayo dahil naramdaman nating minamahal tayo, kahit pa hindi tayo buo.

At sa pagkakataong iyon, tinanggap na nating korni tayo.  

————————————————————————————————————

Read more:

Leave a Reply