Gabi ng Himala: Para sa mga Gabing Hindi Tayo Makatulog

Hindi ako nakakatulog ng maayos nitong mga nakaraang araw. Akala ko ay baka dahil mainit lang talaga kaya lagi akong nagigising after 3-4 hours. Parang lagi akong puyat at parang lagi akong walang ganang gumawa ng kahit ano.

Ngayong week ko lang na-realize na hindi lang pala ako ang nahihirapang matulog. Marami rin. Nabasa ko na bukod sa nagkalabo-labo na ang sleeping habits natin dahil laging nasa bahay, epekto din daw ito ng mga pangyayari ngayon. Napupuno na tayo ng pag-aalala sa mga nangyayari araw-araw. Kadalasan, mabibigat tanggapin.

Kaya malaking tulong sa akin na napanuod ko ang Gabi ng Himala fundraising event kanina.

Mga Awit at Kuwento

Larawan mula sa ABS-CBN Film Restoration Facebook page.

Ang Gabi ng Himala ay isang online fundraising event para sa mga Film Workers na naapektuhan ng Covid19 pandemic. Ito ay nabuo sa pagtutulungang ng Lockdown Cinema Club, Sagip Pelikula, at ng Ricky Lee’s Scriptwriting Workshop.

Lockdown Cinema Club is a WATCH ALL YOU WANT AND GIVE WHAT YOU CAN initiative by Filipino Filmmakers for freelance film workers in light of the community quarantine.

1982 classic film ang Himala sa direksyon ni Ishmael Bernal at panulat ni Ricky Lee. Kuwento ito ni Elsa sa naghihirap na bayan ng Cupang. Nagsabi si Elsa na nagpakita sa kaniya ang Mahal na Birhen, pinaniwalaan ito ng mga tao, itinuring na nakakapagpagaling, at isinamba sa panahong naghahanap ng makakapitan ang lahat.

Sa fundrasing event ay nag-scene interpretation ang ilang mga artista. Ilan ay sina Marian Rivera sa direksyon ni Dingdong Dantes, Nadine Lustre sa direksyon ni Petersen Vargas, Jericho Rosales sa direksyon ni Dan Villegas, Iyah Mina sa direksyon ni Sigrid Bernardo.

May portion din na kumanta sina Bituwin Escalante, Lea Salonga, at Aicelle Santos ng ilang kanta mula sa theater play na Himala: Isang Musikal.

Himala script

Himala ang unang full length script na nabasa ko(2017). Hindi ko alam kung bakit hindi ko naisip na magbasa ng script sa internet bago ako pumasok sa film school. Siguro dahil wala naman talaga akong balak magsulat dati, gusto ko talaga maging editor pero ilang buwan palang, na-realize ko agad na marunong lang akong mag-edit, hindi magaling. Marami akong mas mahuhusay na mga kaklase.

Months after, kumalat sa social media na magpapa-worshop ulit si Sir Ricky. At gaya nang nasabi ko sa A Gen Z blog, gutom akong matuto kaya nag-apply ako.

Maswerte akong natanggap. Swerte talaga.

Si Sir Ricky ang ikinukwento ko na nagsabi sa akin na sponge ako. Tahimik lang ako lagi noong workshop, ina-absorb lang ang lahat ng mga impormasyon, tapos tiga-tawa sa mga jokes.

Noong napag-usapan ang tungkol sa pelikulang Himala. Bukod sa nahihiya ako sa mga ka-workshop, wala talaga akong mai-ambag kasi hindi ko pa napapanuod nang buo ang Himala. Nakakahiyang mabuko. Lagi ko itong putol-putol na naabutan sa TV tuwing mahal na araw. Alam ko lang ‘yung monologue sa ending pero hindi ko naman talaga gets ang meaning.

Hindi naman ako nabuko, ngayon ko pa nga lang unang aaminin. Noong nagtanong si Sir kung sino ang hindi pa nakakabasa o nakakakita ng script. Naging honest ako. Hindi pa naman talaga ako nakakabasa ng Full length script noon. Ang nabasa ko lang ay 3 pages example format ng isang script. Kakulangan sa part ko na gustong pumasok sa industriya.

After lunch ng workshop, inabot sa akin ni sir ang libro niyang “Si Tatang at mga Himala ng ating Panahon”. Ang sabi niya may script daw ito sa loob, basahin ko daw. Hindi ko alam ang sasabihin ko sa mga oras na iyon, naramdaman ko na pinagbubuksan ka ng pinto at tinatanggap ka ng buo. Pag-uwi ay agad kong binasa ang sript ng Himala. Noon ko na-realize kung paanong tumatawid ang mga kuwento sa iba’t-ibang panahon. Hindi naluluma dahil hindi rin natututo ang mga tao.

Ang librong ibinigay sa akin ni Sir ang dapat na bibilhin ko noong selection process palang ng workshop sa UP. Hindi ko nabili dahil magkukulang ako ng sampung piso para makauwi. Sampung piso sakto talaga, isang jeep din ‘yon. Sabi ko sa sarili ko next time, iyon na siguro ang next time.

Noong natapos ang workshop ay naging malinaw sa akin ang gusto kong gawin. Mag-kuwento. Marami akong natutunan hindi lang tungkol sa pagsusulat. Marami ay tungkol sa buhay. Malaking bagay ang libro ng Himala na iyon. May mga natutunang kalokohan rin sa mga ka-workshop.

At kapag napapalibutan ka ng mga taong nasa industriya na at marami nang pinagdaanan sa mundo, mas matutunan mong mas maging mabuti, mas maging mahusay, at mas maging bukas bilang tao.

Ang Himala ngayon

Bukod sa mahuhusay na mga artistang nag-scene interpretation ng ilan sa mga eksena sa pelikula.

Ito ang ilan sa mga tumatak sa akin mula sa Gabi ng Himala fundraising event.

  • “Hanggang ngayon, nasa loob pa rin ng pelikulang Himala ang ating bayan, ang ating mundo. Mailalarawan ito sa malawakang pananaw ng nakararami, sa malawakang kaganapan sa paligid. Namamayani pa rin ang paniniwalang hungkag sa katotohanan.” – Lav Diaz
  • “Sa mga panahong ito, mas mahalaga ang magkuwento. To make sense of what is happening. Para makita natin kung ano ba talaga ang totoo. Mga kwento ang magpapakita sa atin ng mga hindi natin nakikita. Mga kwento ang magtatanggal sa nagbubulag sa atin na mga fake news and all this things na nagliligaw sa atin.” – Ricky Lee
  • “Kung kinakailangan ng pagkain para sa tiyan, tayo ang nagbibigay ng pagkain para sa utak at sa puso. Ang pelikula ang sining ay essential na bahagi ng ating kasaysayan, kasing halaga ng ibang industriya. Dahil tayo ang kaluluwa ng bayan.” – Joel Lamangan

Tama si Lav Diaz sa interpretasyon niyang Himala: isang dayalektika ng ating panahon. Nasa loob pa din tayo ng pelikulang Himala ngayon. Kumakapit pa din ang ilan sa isang tao na pinaniniwalaan nilang magliligtas sa kanila. Naghahanap tayo ng isang idolong sasambahin at aasahang magliligtas sa atin, gaya ni Elsa.

Nabubulag pa din tayo sa mga kasinungalingan. Mas pinipili nating mabuhay sa ilusyon at patuloy na isinasawalang bahala ang reyalidad na araw-araw nating nakikita. Ayos na sa atin basta’t may kinakapitan at pinaniniwalaan.

Tama si Sir Ricky, kuwento ang magliligtas sa atin. Kapag natapos na ang lahat ng ito, laging kuwento ang matitira. Mga kuwento ang nagsasabi ng totoo, ang nagpapakita ng mga hindi ipinipakita.

Tapos na ang workshop pero may kuwento akong binabalikan sa tuwing may mga gabing umaayaw na ako.

Tama si Direk Joel Lamangan, essential din ang mga kuwento sa panahon ngayon. Binubusog ang atin mga t’yan ng pagkain. Binubusog naman ng sining ang puso at isip natin, ang mga ating mga kaluluwa.

Nanunuod tayo ng mga pelikula, nakikinig ng mga kanta, inuubos natin ang mga oras natin sa mga series at Kdrama para hindi natin mawala ang mga sarili sa panahong nilalamon tayo ng reyalidad at pag-aalinlangan.

Salamat sa Gabi ng Himala. Mas magaan nang matulog ngayong gabi. Nakakabusog ng kaluluwang ilang linggo nang gutom. May lakas na ulit ako para harapin at labanan ang reyalidad kinabukasan.

Dito niyo pwede niyong mapanuod ang Gabi ng Himala: Mga Kuwento at Awit.

Para sa mga impormasyon sa pag-donate. Heto ang Lockdown Cinema Club facebook page.

This Post Has One Comment

  1. Dexter Macaraeg

    Hindi tayo maililigtas ni Elsa sa panahon ng sakuna tulad ng COVID19. Pero busog naman tayo sa mga karanasan na ito. Tama naman talaga na ang HIMALA ay nasa puso ng tao.

Leave a Reply