ELEMENTARY DAYS: MGA ALAALA NG PAGIGING BATA

Naalala ko ‘yung Elementary days ko. Nakita ko kasi ‘tong sinend na picture ng kaibigan ko nung pa-birthday niya dati sa school.

Yumyum!
Otw magpapabutas ng Juice.

Hindi ko alam pero limot ko na talaga halos karamihan ng mga nangyari nung elementary days. Habang tumatagal kasi paunti nang paunti ‘yung mga naalala ko. Naisip ko bigla kung paano ko kaya nasagutan ang mga test. Paano ko kinakausap ‘yung mga kaklase kong kinaiinisan ko. Gumagawa ba ako ng assignment dati? Parang wala kasi akong naalala na nag-iisip ako.

Kaya napagtanto kong ayos din pala ang sumusulat ng ganitong mga blog, iniisip ko na 15 years later ba ay maaalala ko pa rin na sumulat ako ng ganito? Pareho pa din ba ang pinaniniwalaan ko? Iniisip ko? Nung elementary nga ako nalimutan ko na. Medyo nakakapanghinayang lang isipin na pwede nating malimutan ‘yung tayo ngayon.

At dahil Kid in Manila naman ang name ng blog na ‘to, ang ginawa ko isinulat ko na. Baka kasi years from now malimutan ko na nang tuluyan.

May inilista akong limang naalala ko nung Elementary days ko na malaking parte pa rin ng pagkatao ko ngayon.

PA-BIRTHDAY NI KLASMEYT SA RECESS

Hbd

Syempre ito ang una. Kapag natatanaw mo na ‘yung nanay ng kaklase mo sa labas na may dalang box ng mga styro. Alam mo na agad na magiging sulit ang recess, madadagdagan ng extra 10 mins, pa-birthday ni Ma’am. Masarap sa pakiramdam kasi alam mong hindi ka mapipilitang bumili ng sotanghon na walang lasa o sopas na walang sabaw tapos sukli candy o yema.

Iilan lang naman silang nagpapakain ng spag at softdrinks sa school. Kaya iilan lang din silang taon-taon kong inaabangan kung may pa-kain. Ginaganahan pa naman akong pumasok kapag alam kong sila ang may birthday.

Yung mga nagpapakain lang naman ang mga natatandaan kong birthday. Mali ba ‘yon?

ANIME SA UMAGA

Anime sa umaga din talaga ‘yung kumumpleto ng elementary days ko. Palipat-lipat ako mula Hitman Reborn, Naruto, Eyeshield 21 sa ABS-CBN papuntang One Piece at Bleach sa GMA. Napaghalo-halo ko ba?

Pang-hapon ako nun pero may 1 hour computer class kami minsan sa umaga, pagkatapos ay uuwi kami para kumain ng lunch. Malapit lang ang bahay ko kaya mabilis akong tumatakbo pauwi muna para makanuod pa.

Kung minsan ay nagbibigay ng isang kilong bigas ang school namin. Kaya habang tumatakbo pauwi yakap-yakap ko ang bigas kung paanong yakapin ni Sena sa Eyeshield 21 ang bola. Kung wala namang bigas tatakbo ako na parang si Naruto.

Effective siya promise.  Mas mabilis talaga hindi ko ma-explain.

BIMPO (FACE TOWEL)

Pawisin talaga ako dati pa kaya hindi ako pwedeng mawalan ng bimpo. Akala ko dati bata lang ang may ganun pero hanggang ngayon mas gusto ko ang bimpo kaysa sa mga panyo. Hindi naman kasi nakakahigop ng pawis ang panyo.

Kung karakter ako sa pelikula tapos makakakita ako ng babaeng umiiyak, ang iaabot ko siguro bimpo. Parang wala ring silbi i-pampunas ang panyo kung maraming luha. After ko ipahiram ang bimpo, need niya ibalik sorry.

Uso talaga mga bimpo dati, hanggang hayskul. Hindi ko nilalagay sa likod ko. Hindi lang naman likod ang pinapawisan sakin. Mas convenient na sukbit sa balikat o laging hawak. Lalo kung sira-sira yung mga ceiling fan na pagod na ngang umikot, may blind spot pa, lagi pa naman ako naka-pwesto sa mga hindi naabot ng fan.

Halos lahat kami may bimpo tapos magkakamukha pa, kaya madalas nagkakawalaan. Pero kahit kailan naman ay hindi pa kami nagkakapalit ng bimpo ng mga kaklase ko. Sa tuwing pakiramdam ko ay hindi ko na bimpo ang hawak-hawak ko, titignan ko lang ito ng masinsinan. Sisisirin ang kaputian nito, gagalugadin ang bawat sulok nito, at kapag sobrang puti nito at walang bahid ng kahit ano, doon ko lang mapapatunayan na hindi akin ang bimpo.

Ang bimpo ko ay puti pero may bahid ng kaunting kulay. Pwedeng Martiolet, nanigas na cutics, o gatuldok na patak ng isang Coronia colorless. Mga palatandaan ng isang bimpong pagmamay-ari ko. Manikurista kasi si ang nanay ko, ginagamit din niya ang mga bimpong ginagamit ko. May palatandaan kaya walang pwedeng umangkin para hindi mapagalitan pag-uwi. Ayos din, sa bimpong ‘yun galing ang baon ko.

SAGO’T GULAMAN

Kung may nag-iisa man akong talent nung bata ako. Feeling ko talaga magaling ako mang-sumpak ng sago. May tig-lima kasing sago’t gulaman sa labas ng school. Nagpapadagdag ako ng extra sago para madaming bala.

Madali lang naman, iipunin mo lang ‘yung mga sago sa bibig tapos isusumpak mo gamit ‘yung straw. Hindi sa pagmamayabang pero kalkulado ko ‘yung saktong dami ng laway na dapat mong isama pag hipan mo sa straw para saktong kapit lang din ‘yung sago sa uniform o buhok ng kaklase mo. Bonus kapag sakto sa bibig o butas ng ilong.

Mas safe naman siya kaysa pellet gun hindi ba? Kaya siguro hindi ko trip masyado ang Pearls sa mga Milktea. Malaki at mahirap silang i-sumpak.

CINEMA ONE

Hindi naman ako lumaki sa sinehan, hindi rin lumaki sa mga DVD’s. Pero legit hindi naman talaga ako lumaki. Anyways, nakasanayan kong manuod ng pelikula sa Cinema One. Siguro ay doon ko unang nalamang nagi-exist ang pelikula.

Hindi naman kalakihan ang TV namin pero kapag umupo ka sa harap nun ng sabado ng umaga, habang may hawak na isang mangkok ng Pancit Canton, mawawala ka din kagaya nang kung paano ka nawawala sa loob ng sinehan, sa loob ng mga kuwento. Siguro ay nung bata tayo ay mabilis tayong mawala.

Ilan sa hindi ko malimutang pelikula na napanuod ko sa Cinema one ay ang Magic Temple(1996) sa direksyon ni Peque Gallaga. Sa pelikulang ‘to ko pinangarap matutong mag-back flip. Hindi ko malimutan dito ‘yung naglalakad na bahay at ‘yung song and dance na Buto-kalansay.

Isang pelikula din ang Hiling(1998). Ngayon ko lang nalaman na si Direk Joey Reyes pala ang gumawa nito. Isa sa mga naunang nagtiwala sa akin. Si Camille Prats ang bida tapos lahat ng kapitbahay niya natutupad ‘yung mga hiling kapag nahawakan niya. Tuwang-tuwa ako nung nagka-swimming pool bigla sa bakanteng lote sa neighborhood nila. 

Iilan lang sa mga pelikulang humikayat sa akin na gumawa rin ng sarili kong pelikula.  Umaasang may mga makakanuod na mangangarap din.

MGA ALAALA

Ang saya lang isulat at alalahanin nitong mga gantong alaala ng elementary days, mas magaan. Nakakabawas ng mga bigat na dala ng mga balita ngayon. Pantakas sa Uncertainty ng buhay. Hindi pa natin problema dati kung makakatulog o hindi. Kapag inaalala ko ang mga ito pakiramdam ko bata pa din ako, kaya nga siguro Kid in Manila ang name ng blog na ‘to. Na-realize ko na malaking bagay ang mga alalang ito kung bakit ako ganito ngayon.

Siguro ay pare-pareho naman tayong may mga alaalang ganito. Hindi man sakto pero may pagkakahalintulad. Nakakatuwang isipin na iba-iba man tayo ng paniniwala, itsura, edad, o pagkakakilanlan. Kumokonekta pa din tayo sa iba’t-ibang bagay.

Isa siguro sa mga dahilan kung bakit natutuwa akong sumulat at syempre mabasa. Makaramdam man ng pag-iisa ay mapaparamdam nitong may kasama ka sa ganoong pakiramdam. At hindi natin matatanggi na lahat tayo ay may mga kwentong akala natin ay limot na, pero nakatago lang pala. Maaalala’t maaalala rin.

Ikaw anong naalala mo? Parinig!

————————————————————————————————————

Like and follow our Facebook page! Kid in Manila

This Post Has 2 Comments

  1. hitokirihoshi

    Naka-relate ako sa pareho tayong nag-public school noong elementary, nahilig sa anime, at mahilig manood ng film ( cinema one man sa akin o hindi).

    Ayon sa mga eksperto ( particularly neuroscience) ay talagang selective ang memory ng tao. then may type kung mas luma o mas bago memories ang naalala mo. Pero ang mas may impact ay yung memories talaga na may emostional or relatable aspects. Halimbawa sa anime, ang memory ko sa anime ay childhood, simple joy, out of this world. Kaya kung maalala rin kita siguro among sa lahat ng bnisita kong blogger in Filipino ” ah yung kapwa ko nag-public school na nahilig sa anime pero sya Gen Z. hehehe

    mabuhay sa piniling alalahanin ang masasayang kabataan 😉

    1. Gerald Foliente

      Oo nga! Mahirap malimutan ‘yung mga may kakabit na emosyon. Salamat sa pagbisita!

Leave a Reply